----------------------------------------------------------------------------------------------- Sariling Pangarap o Pagtulong sa Pamilya
By Sandra C. Ebrada, MA
Psychologist, PsychConsult Inc.
Malapit na ang pasukan. Huling hirit na ng mga kabataan para magbulakbol sa bakasyon dahil maaabala na sila sa paghahanda para sa pasukan. Nandiyan na rin ang mga magulang sa paghanap ng pambayad sa eskwelahan.
Sa karamihan ng mga magkokolehiyo, ito ang pagkakataon na matagal-tagal nang inaasam—ang makapag-aral ng kursong gusto upang matupad ang ambisyon o pangarap sa buhay—guro, arkitekto, inhinyero, abogado, entrepreneur, atbp. Sa karamihan, natutupad nila ang pangarap nila. Ngunit para sa iba, hindi ganoon kadaling makapag-aral. Dahil sa gipit sa pera, pumipili na lang ang estudyante ng kursong madaling hanapan ng trabaho o kaya ang mga magulang ang pumipili ng kurso para sa anak. Pinipili nila ang kurso na malaki ang sahod para makatulong naman si Ate o Kuya sa pamilya.
Ito ang kwento ni Mario: “Second year na ako sa nursing. Kaya ako nag-nursing kasi yun ang gusto ng mga magulang ko para sa akin. Kasi kailangan daw akong makapagtrabaho kaagad para ako naman ang magpapaaral sa mga kapatid ko. Hirap akong pumasok sa klase. Kahit pumapasa ako, hindi ko naman talaga gusto ang kursong ito. Mas gusto ko arkitekto. Pero sabi ni Tatay mas mabuti ang nurse kasi kailangan sa abroad at malaki ang kita kaagad. Ang arkiteko hindi mabilis ang kita doon. Totoo nga rin dahil kailangan talagang tulungan ang aking pamilya. Okay lang naman sa akin na tumulong kaya tinitiis ko na lang. Pero hindi ko alam kung kailan ako makakatagal sa nursing. Wala akong ganang pumasok.”
Ito naman ang kwento ni Don: “Sinabihan na ako ni Nanay nung high school pa lang na kailangan kong tumulong para paaralin ang aking kapatid. Okay lang naman sa akin ang tumulong pero hinayaan pa rin ako ni Nanay na pumili ng kursong gusto ko. So tinapos ko ang Information Systems o Computers. Pagka-graduate, nakahanap ako ng trabaho sa Makati. Upang makatipid, nag-share kami ng isang apartment kasama mga ka-trabaho. Doon lang ako sa banig natutulog at sa umaga, nililigpit para maka-daan kami. Ang liit kasi ng tirahan namin. Kailangan magtipid dahil nagpapadala ako ng pera sa nanay ko sa probinsya. Nakapag-abroad din ako at yun, mas malaki na ang napapadala para sa kapatid. Buti na lang at mabait si Junior at tinapos rin niya ang pag-aaral niya. Nung nakapag-graduate na siya, akala ko libre na ako sa aking obligasyon. Pero gusto pa ng aking ina na ipa-renovate ang bahay kaya naglabas ulit ako ng pera. Matagal-tagal din bago ako naka-ipon ng sarili kong pera. Pero okay lang dahil nakikita kong masaya si Nanay at nakahanap ng magandang trabaho si Junior. Ako naman, enjoy rin sa pagta-trabaho dahil ito ang talaga gusto kong pasukin—computers. At alam ko rin na temporary lang naman ang arrangement na ito at matutupad ko rin ang iba kong pangarap. Sa pagdaan ng mga taon, nakapagtrabaho na rin ang mga kapatid ko, maganda na rin ang bahay ni nanay at nakahanap rin ako ng mas magandang trabaho,. Dito na akong mag-isip na mag-asawa. Ngayon, isa na ang anak ko. Ang cute-cute niya. Ganda rin ni misis syempre.”
Kung ihahambing natin ang mga karanasan ni Mario at Don, pareho silang problema ngunit magkaiba ang kanilang pagtingin sa problema. Para kay Mario, nais niyang tumulong sa pamilya ngunit mabigat ang loob niyang pumapasok sa kursong hindi niya gusto. Para naman kay Don, magaan ang loob niyang tumulong sa pamilya dahil masaya siya sa kanyang pag-aaral sa kolehiyo at doon siya sa trabahong interesado siya. Alam din niya na ang pagtulong niya sa pamilya ay pansamantala lamang at matutupad pa rin niya ang kanyang mga sariling pangarap sa buhay.
Ito ang isa sa mga pagsubok na hinaharap ngayon ng mga kabataan—matutupad ba nila ang kanilang pangarap sa buhay o kailangan ba talagang isantabi ito alang-alang sa pamilya? Para sa iba na kagaya ni Mario, minsan hindi sila nakakatapos at hindi na rin makapaghanap ng trabaho. Para sa iba, tinitiis talaga hanggang sa makatapos at makahanap ng trabaho para tulungan ang pamilya. Magaling nga sa trabaho, nakakatulong sa pamilya ngunit hindi masaya at mabigat ang kalooban. At para naman sa iba pa, natutupad nila ang kanilang pangarap habang tinutulungan ang pamilya.
Siguro para sa mga OFW na anak na nasa ganitong situwasyon, minsan parang napakalaking responsibilidad ang tulungan ang pamilya at pinagdududahan tuloy ang sariling kakayahan. Ngunit maaaring makahanap ng balanse sa pagtupad sa sariling pangarap at sa pagtulong sa pamilya. Maaaring pagnilay-nilayan ang mga patnubay sa ibaba:
1. Linawin sa mga magulang kung ano talaga ang inaasahan nila sa iyo na tulong—pera, gawaing bahay, atbp. Kung maaari, alamin kung gaano katagal ang pagtulong sa pamilya. Halimbawa, sa susunod na apat na taon ang pagtulong mo sa kapatid hanggang sa makatapos siya sa kolehiyo.
2. Ibahagi sa mga magulang ang sarili mong mga pangarap. Pag-aralan din kung anu-ano ang mga trabahong pwedeng pasukan sa kursong ito. Alamin kung paano ito makakatulong sa pamilya.
3. Maaaring isipin na pansamantala lamang ang paglalakbay na ito. Sa huli, matutupad mo rin ang iyong sariling pangarap. Bukod pa riyan, magagalak ang kalooban mo dahil nakatulong ka sa pamilya mo.
---------------
What do you think of this article? Click on the word "comments" just below. Ask questions. Click on Magtanong sa Doktor or Magtanong sa Psychologist. Share your thoughts, feelings and experiences. Stay in touch!
Click here to set an appointment with the psychologists and doctors on our website.
Click to return to website: www.ofwparasapamilya.com
---------------
Thursday, May 28, 2009
Subscribe to:
Comments (Atom)